Sila ang mga pamangkin ko. Si Vhon ang nasa kaliwa, si Vince ang nasa kanan. Hindi ako yung astronaut. Sa litratong ito, makikita niyo ba kung sino ang mas pilyo? Clue, hindi yung astronaut.
Born a day after I turned 21, Vhon came in the most unexpected time. I remember he was the cutest little baby, walang bias. Para siyang si Jose Rizal, maliit ang katawan at malaki ang ulo. Si Kuya ko ang kinuhang ninong alinsunod sa nakasanayang tamang order ng pagpili ng ninong kahit na anong pilit ko na ako dapat kasi magkasunod lang kami ng birthday.
Nung lumalaki si Vhon, napansin kong napakatahimik niyang bata. Kapag may kakausap sa kanya, titignan lang niya; laging nakanganga. Todo effort patawanin or pangitiin kapag kinukunan ng picture pero hindi naman suplado or matatakutin sa tao.
Vince was born 2 years after his Kuya Vhon. Nauna akong pumunta sa center nung pinanganak siya. Siguro dahil sa ako ang naunang nagpunta nung pinanganak siya or alinsunod din sa nakagawian, ako ang piniling ninong.
Masungit, suplado at moody. Laging nakakabit sa nanay niya.
Naging busy ako sa trabaho kaya hindi ko nasubaybayan ang paglaki ni Vince. Nakita ko na lang siya ulet nitong December. Umuwi kasi sila mama at papa para dito magbakasyon; unang beses nilang makikita ang bunso nilang apo. Nagulat ako na ibang-iba na ang batang dati’y ayaw magpakarga sa akin. Ngumiti siya at tinawag akong “Dada” (tawag kasi ng mga kamag-anak ko sa akin ay Dan-dan). Pagsambit ni Vince ng Dada, pakiramdam ko kilalang kilala niya ako kahit na dun lang niya ako ulit nakita.
Napansin ko minsan habang naglalaro silang magkapatid, kasama ang mga anak ng mga pinsan namin, na si Vhon ang mas tahimik di tulad ni Vince na paikot-ikot at panay interact sa ibang kalaro. Nakuha ni Vince ang ugali ng daddy niya at nakuha naman ni Vhon ang ugali ko. Maya-maya pa’y dumating na ang kalaro nilang isang malaking bully. Pinagkukuha ang mga laruan at tinulak si Vhon. Hindi nag-react si Vhon at biglang lumapit si Vince at tinulak ang tumulak sa kuya niya. Nung umambang gaganti ang bully sa kanya, bigla namang sumipa si Vince para hindi na makalapit sa kuya niya ang bully. Syempre, bilang tiyuhin nila kunwari sinaway ko ang violence, pero sa loob ko tuwang-tuwa ako.
Don’t get me wrong, hindi ko tinuturuan na maging bayolente or basag-ulo ang mga pamangkin ko. Lalong hindi ko tino-tolerate ang sakitan. Ang kinatuwa ko ay kung paano pinakita ni Vince ang pagmamahal niya sa Kuya niya. Napansin ko na everytime may umaaway sa kuya niya, lumalapit siya sa kanya at hinaharang ang umaaway at pinagtatanggol ang kuya niya.
Dito ako naiinggit sa kanila. Hindi kasi ganun ang mga kapatid ko. Although we grew up together, magkakaiba ang paglaki namin. Si kuya, tahimik lang at hindi nakikisalamuha sa tao kahit kamag-anak. Yung bunso, lahat ng kapitbahay kilala. Ako, yung kilala ko lang kinakausap ko. Hindi ako lumaking may kakampi. Kaya naman nung nagkamuang na ako at nagkaroon ng kakayanang kumita ng pera, bumukod na ako sa mga kapatid ko. Bagay na hindi maintindihan nila mama.
Kapag naaalala ko ang mga pamangkin ko, naiisip ko kung paano ba dapat ang mga magkakapatid. Mas magkatugma ang DNA ng magkapatid kaya dapat mas malalim ang ugnayan. Naiinggit nga ako sa mga kwento ng magkakapatid na sobrang close. Minsan kapag may nakakausap ako, iniisip ko na sana, swap na lang sila ng mga kapatid ko. Hindi naman kasi uso ang heart to heart talk or bonding sa pamilya namin.
Tinitignan ko lagi ang mga picture ng mga pamangkin ko. Nakakatuwa lalo na kapag magkaparehas ang mga damit nila. Naaalala ko noon na sa lahat halos ng picture naming magkakapatid, lagi magkakaparehas ang damit naming. Naiisip ko tuloy, kung ang ugnayan naming magkakapatid ay gaya ng sa mga pamangkin ko. Sana nung may umaaway sa akin nung bata ako, may nagtatanggol din.
Posted with WordPress for BlackBerry