Pagbalik ko sa trabaho, may natagpuan akong “Love Letter” sa aking locker (Pasensya na JKuli, hindi ko talaga matagalog yun eh). Maghinay-hinay muna, dahil hindi naman nakapangalan sa akin ang liham na iyon. Siguro nagkamali lang ng hulog yung taong nagpadala ng liham o nilagay doon ng pinagpadalhan. Ewan ko. Basta, natawa lang ako sa kung ano ang nakasulat. Sa wikang ingles ang liham kaya isasalin ko ito sa wikang gamay na gamay ko hindi talaga.
Mahal kong Momay
(hindi tunay na pangalan),
Gusto kong makausap kang muli…
Makita kang muli…
Makasama… makayakap…
Gusto kong ikaw lang ang kapiling habangbuhay…
Gusto kong tumanda kasama ka…
Blah
Blah
Nagmamahal,
Noah (hindi rin tunay na pangalan)
Agad ko itong pinakita sa mga kasama ko at sama-sama naming pinagtawanan at pinandirihan ang liham. May numero pa ito sa tupi ng liham na para bang hinahangad ni Noah na tawagan o i-text ni Momay. Lalo kaming nandiri! Pagtapos ay amin ring itinapon ang liham.
Naisip ko bigla, bakit kami nagkagano’n? Lahat naman kami’y mga nakakaranas o nakaranas na ng aming tikim sa pag-ibig pero bakit gano’n ang reaksyon namin sa liham na iyon. Oo, may pagka-baduy ang nilalaman ng liham pero hindi ba lahat naman tayo dumaan rin sa gano’n?
Naalala mo noong ika’y nagbibinata o nagdadalaga na sa tuwing dumadaan ang napupusuan eh hindi ka magkahumayaw sa pagtatago sa ilalim ng upuan mo na parang nakikita ka niya? Pero sa loob mo ay kinikilig ang lahat ng buto mo’t kalamnan.
Pag-uwi ko galling opisina at habang naglalakad papunta sa bahay namin, naisip ko ang lagay ng relasyon naming. Nasaang yugto na ba kami? Minsan parang nakakasawa na. Araw-araw na nakikita… minsan nakakainis pa… nakaka-urat!
Siguro normal nang nangyayari sa isang relasyon ang ganito. Plateau-nic stage daw sa wikang ingles. Yung hindi naman bumababa ang lebel ng pag-ibig kundi,”Steady” lang. Hindi nadaragdagan… hindi rin nababawasan.
Pero naisip ko, kung nasa ganoong estado na kami ng aming relasyon, ang susunod ba ay pababa na? Magiging isa na naman ba ako sa mga taong kumakapa sa kawalan at naghahanap ng iibigin muli?
Naisip ko rin ang napakaraming mag-irog na naghiwalay. Naisip kong nakakapanghinayang namang isipin na sa tagal na pinagsamahan, sa dami ng pinagdaanan, ang dalawang taong nagsimula ng may napakaraming bagay na magkaparehas ay maghihiwalay bilang dalawang magkaibang nilalang.
Pagdating sa bahay at pagbukas ko ng pintuan, nakita ko siya at muling napalagay ang loob ko. Naroon siya at ako’y sa kanya. Muli kong natikman ang kanyang halik at naalala kung bakit kami ang magkasama. Muli kong nalaman kung bakit sa kabila ng minsanang pagka-irita ko at kawalan ng pasensya niya ay magkasama pa rin kami. Muli kong naisip na dapat ipagpasalamat ko ang bawat saglit na nakikita ka. Muli kong naisip na sa kabila ng tampuhan, awayan at kung anu-ano pa ay yumayakap ka pa rin sa akin.
Pag-ibig nga naman!



