Bully ka rin!

5 02 2014

PREAMBLE: Alam ko matagal na simula nung huli kong blog. Sa mga masusugid kong mambabasa, salamat at kahit paano ay may bumibisita pa rin sa blog ko kahit na alam kong mga aksidenteng na-click niyo lang ito hoping na isa itong blog ng mananakbong doktor. Sa mga kebs lang, salamat din at nagawi kayo dito.

Ito ay hango sa kwento ng aking kaibigang itatago natin sa pangalang Georgina. Ubod kasi siya ng sexy, you’ll jizz in your pants. (GMG sa mga hindi naka-gets).

Well, si Georgina ay kakaalis lang sa opisina kung saan ko siya nakasama bilang taga-dila ng envelope sa isang malaking lugawan.

Backstory: Si Georgina ay kilala nung high school pa bilang isa sa mga nang-aapi sa classmate niya dahil sa kaitiman ng balat. Kinamalas-malas naman niya na isa nang senador ang classmate niyang ito. Si Georgina rin ay napatawag na sa principal’s office kasi napagkamalan siyang sumigaw ng “Nog-nog” sa gitna ng speech ng ama ng classmate niyang hindi kaputian.

Anyhow, may kabutihang loob naman itong si Georgina. Hindi naman kami siguro magkakasundo kung hindi. Or siguro lang pareho kaming masama ang ugali.

Ngayon, nag-resign siya dahil nakahanap ng ibang lugawan na may libreng pabahay. Akala niya mas mapapabuti ang buhay niya. Hindi daw. Mayron daw kasi sa kanyang nambu-bully. Nung una, natawa ako. Paano ba naman may mambubully sa kanya? Eh mas di hamak na hindi siya magpapaapi. Nung in-elaborate niya, nagulat ako.

Minsan daw, habang nasa station siya biglang may lumapit sa kanya, na ating pangalanang si Ermengard, at pinuna ang grande caramel macchiato niya na binibili naman niya araw-araw kasi yun ang secret niya sa kanyang kaseksihan. Sabi daw, “Wow, Starbucks! Sign of success!” Condescendingly, syempre. Ito daw ay galing sa isang malditang ka-opis niya na obviously anak mayaman.

Isang beses pa, lumapit uli si Ermengard at pinuna ang mga bag niya at gadgets. Sabi, “Wow, ang gaganda ng gamit mo ah. Nakuha mo na ang back-pay mo?” Araw-araw nagpatuloy ang matatalas na comments na ito, ayon kay Georgina.

Dahil alam kong maldita rin si Georgina, tinanong ko kung ano ang ginawa niya. Sinubukan daw niya magsumbong pero patuloy pa rin si Ermengard sa pang-aapi sa kanya.

Nung una, nainis ako kay Ermengard. Hindi ko maisip kung bakit niya ginagawa kay Georgina yun. Nung napaisip ako, sinabi ko kay Georgina, kinakarma na siya. Masakit pero totoo. It sucks to be at the receiving end of bullying.

Mas madaling sabihin o isipin na tayo ay na-bully. Nung high school, ng mga classmate o schoolmate, ng mga kalaro, ng mga kapatid, ng mga magulang. Ang mahirap tanggapin na madalas tayo ang bully. Isipin mo, yung tipong nagsabi ka lang ng masamang comment about sa itsura ng nakasalubong mo; or pinuna mo ang suot ng nakasabay mo sa elevator at naghagikgikan kayo ng mga kaibigan mo. Lahat tayo bully. Minsan nagkakaiba lang sa time kung ikaw ang bully o ikaw ang binu-bully.

Maswerte ka kung hindi mo pa nararanasan na ma-bully. Pero isipin mo rin: paano kung biglang magbago ang ihip ng hangin? Paano kung i-bully ka ng boss mo? Paano kung hindi ikaw, kundi ang anak mo naman ang i-bully?

Ngayon mo isipin kung magko-comment ka pa sa amoy ng nakasabay mo sa elevator na hindi mo alam ay napalayas pala sa inuupahang apartment kasi nabaon sa utang. Ngayon mo isipi kung pagtatawanan niyo ba ang matabang babaena nakita niyong naglalakad na mayron na palang inferiority complex simula nung bata pa lang at konting-konti na lang ay magpapakamatay na.

Advertisements




Wanted, Kuya

29 01 2011

Sila ang mga pamangkin ko. Si Vhon ang nasa kaliwa, si Vince ang nasa kanan. Hindi ako yung astronaut. Sa litratong ito, makikita niyo ba kung sino ang mas pilyo? Clue, hindi yung astronaut.

Born a day after I turned 21, Vhon came in the most unexpected time. I remember he was the cutest little baby, walang bias. Para siyang si Jose Rizal, maliit ang katawan at malaki ang ulo. Si Kuya ko ang kinuhang ninong alinsunod sa nakasanayang tamang order ng pagpili ng ninong kahit na anong pilit ko na ako dapat kasi magkasunod lang kami ng birthday.

Nung lumalaki si Vhon, napansin kong napakatahimik niyang bata. Kapag may kakausap sa kanya, titignan lang niya; laging nakanganga. Todo effort patawanin or pangitiin kapag kinukunan ng picture pero hindi naman suplado or matatakutin sa tao.

Vince was born 2 years after his Kuya Vhon. Nauna akong pumunta sa center nung pinanganak siya. Siguro dahil sa ako ang naunang nagpunta nung pinanganak siya or alinsunod din sa nakagawian, ako ang piniling ninong.

Masungit, suplado at moody. Laging nakakabit sa nanay niya.

Naging busy ako sa trabaho kaya hindi ko nasubaybayan ang paglaki ni Vince. Nakita ko na lang siya ulet nitong December. Umuwi kasi sila mama at papa para dito magbakasyon; unang beses nilang makikita ang bunso nilang apo. Nagulat ako na ibang-iba na ang batang dati’y ayaw magpakarga sa akin. Ngumiti siya at tinawag akong “Dada” (tawag kasi ng mga kamag-anak ko sa akin ay Dan-dan). Pagsambit ni Vince ng Dada, pakiramdam ko kilalang kilala niya ako kahit na dun lang niya ako ulit nakita.

Napansin ko minsan habang naglalaro silang magkapatid, kasama ang mga anak ng mga pinsan namin, na si Vhon ang mas tahimik di tulad ni Vince na paikot-ikot at panay interact sa ibang kalaro. Nakuha ni Vince ang ugali ng daddy niya at nakuha naman ni Vhon ang ugali ko. Maya-maya pa’y dumating na ang kalaro nilang isang malaking bully. Pinagkukuha ang mga laruan at tinulak si Vhon. Hindi nag-react si Vhon at biglang lumapit si Vince at tinulak ang tumulak sa kuya niya. Nung umambang gaganti ang bully sa kanya, bigla namang sumipa si Vince para hindi na makalapit sa kuya niya ang bully. Syempre, bilang tiyuhin nila kunwari sinaway ko ang violence, pero sa loob ko tuwang-tuwa ako.

Don’t get me wrong, hindi ko tinuturuan na maging bayolente or basag-ulo ang mga pamangkin ko. Lalong hindi ko tino-tolerate ang sakitan. Ang kinatuwa ko ay kung paano pinakita ni Vince ang pagmamahal niya sa Kuya niya. Napansin ko na everytime may umaaway sa kuya niya, lumalapit siya sa kanya at hinaharang ang umaaway at pinagtatanggol ang kuya niya.

Dito ako naiinggit sa kanila. Hindi kasi ganun ang mga kapatid ko. Although we grew up together, magkakaiba ang paglaki namin. Si kuya, tahimik lang at hindi nakikisalamuha sa tao kahit kamag-anak. Yung bunso, lahat ng kapitbahay kilala. Ako, yung kilala ko lang kinakausap ko. Hindi ako lumaking may kakampi. Kaya naman nung nagkamuang na ako at nagkaroon ng kakayanang kumita ng pera, bumukod na ako sa mga kapatid ko. Bagay na hindi maintindihan nila mama.

Kapag naaalala ko ang mga pamangkin ko, naiisip ko kung paano ba dapat ang mga magkakapatid. Mas magkatugma ang DNA ng magkapatid kaya dapat mas malalim ang ugnayan. Naiinggit nga ako sa mga kwento ng magkakapatid na sobrang close. Minsan kapag may nakakausap ako, iniisip ko na sana, swap na lang sila ng mga kapatid ko. Hindi naman kasi uso ang heart to heart talk or bonding sa pamilya namin.

Tinitignan ko lagi ang mga picture ng mga pamangkin ko. Nakakatuwa lalo na kapag magkaparehas ang mga damit nila. Naaalala ko noon na sa lahat halos ng picture naming magkakapatid, lagi magkakaparehas ang damit naming. Naiisip ko tuloy, kung ang ugnayan naming magkakapatid ay gaya ng sa mga pamangkin ko. Sana nung may umaaway sa akin nung bata ako, may nagtatanggol din.

Posted with WordPress for BlackBerry