O Aking Irog!

6 08 2010

Pagbalik ko sa trabaho, may natagpuan akong “Love Letter” sa aking locker (Pasensya na JKuli, hindi ko talaga matagalog yun eh). Maghinay-hinay muna, dahil hindi naman nakapangalan sa akin ang liham na iyon. Siguro nagkamali lang ng hulog yung taong nagpadala ng liham o nilagay doon ng pinagpadalhan. Ewan ko. Basta, natawa lang ako sa kung ano ang nakasulat. Sa wikang ingles ang liham kaya isasalin ko ito sa wikang gamay na gamay ko hindi talaga.

Mahal kong Momay
(hindi tunay na pangalan),

Gusto kong makausap kang muli…
Makita kang muli…
Makasama… makayakap…
Gusto kong ikaw lang ang kapiling habangbuhay…
Gusto kong tumanda kasama ka…
Blah
Blah

Nagmamahal,
Noah
(hindi rin tunay na pangalan)

Agad ko itong pinakita sa mga kasama ko at sama-sama naming pinagtawanan at pinandirihan ang liham. May numero pa ito sa tupi ng liham na para bang hinahangad ni Noah na tawagan o i-text ni Momay. Lalo kaming nandiri! Pagtapos ay amin ring itinapon ang liham.

Naisip ko bigla, bakit kami nagkagano’n? Lahat naman kami’y mga nakakaranas o nakaranas na ng aming tikim sa pag-ibig pero bakit gano’n ang reaksyon namin sa liham na iyon. Oo, may pagka-baduy ang nilalaman ng liham pero hindi ba lahat naman tayo dumaan rin sa gano’n?

Naalala mo noong ika’y nagbibinata o nagdadalaga na sa tuwing dumadaan ang napupusuan eh hindi ka magkahumayaw sa pagtatago sa ilalim ng upuan mo na parang nakikita ka niya? Pero sa loob mo ay kinikilig ang lahat ng buto mo’t kalamnan.

Pag-uwi ko galling opisina at habang naglalakad papunta sa bahay namin, naisip ko ang lagay ng relasyon naming. Nasaang yugto na ba kami? Minsan parang nakakasawa na. Araw-araw na nakikita… minsan nakakainis pa… nakaka-urat!

Siguro normal nang nangyayari sa isang relasyon ang ganito. Plateau-nic stage daw sa wikang ingles. Yung hindi naman bumababa ang lebel ng pag-ibig kundi,”Steady” lang. Hindi nadaragdagan… hindi rin nababawasan.

Pero naisip ko, kung nasa ganoong estado na kami ng aming relasyon, ang susunod ba ay pababa na? Magiging isa na naman ba ako sa mga taong kumakapa sa kawalan at naghahanap ng iibigin muli?

Naisip ko rin ang napakaraming mag-irog na naghiwalay. Naisip kong nakakapanghinayang namang isipin na sa tagal na pinagsamahan, sa dami ng pinagdaanan, ang dalawang taong nagsimula ng may napakaraming bagay na magkaparehas ay maghihiwalay bilang dalawang magkaibang nilalang.

Pagdating sa bahay at pagbukas ko ng pintuan, nakita ko siya at muling napalagay ang loob ko. Naroon siya at ako’y sa kanya. Muli kong natikman ang kanyang halik at naalala kung bakit kami ang magkasama. Muli kong nalaman kung bakit sa kabila ng minsanang pagka-irita ko at kawalan ng pasensya niya ay magkasama pa rin kami. Muli kong naisip na dapat ipagpasalamat ko ang bawat saglit na nakikita ka. Muli kong naisip na sa kabila ng tampuhan, awayan at kung anu-ano pa ay yumayakap ka pa rin sa akin.

Pag-ibig nga naman!





iCaptain Backfire

13 07 2010

Para kay “Ngaw-Ngaw” a.k.a Kreng, Bata, atbp.

I said too much again.

Nagbibiruan lang nung una. Nagtatawanan. Nagaasaran.

Hanggang sa…

Ayun, may nasabi akong hindi mo nagustuhan.

Hindi ka na kumibo.

Sabi nila, “It’s only words”. Pero hindi natin alam na mas matindi pa ang salita.

Isipin niyo nga ang mga salitang nasabi sa inyo na nasaktan kayo, mapa-sadya o hindi…

Marami noh?

Patunay lang yan kung gaano katindi ang epekto ng salita sa tao. Hanggang sa pagtanda mo, madalas matatandaan. Although you learn to forget some, it’s mostly because you got so used to it.

Sticks and stones…

Mas mahirap gamutin ang sugat na dala ng mga salitang nasambit kaysa sa mga sugat na gawa ng mga patpat o bato.

Madalas akong sabihan ni Mrs. Tirones noong high school ako kapag ako’y tinatawag niya para mag-recite at hindi ko masabi ng maayos ang sasabihin ko, “Compose your thoughts”. Pero hindi pa rin ako natuto na mag-isip ng mangilang ulit bago magsalita.

Sa galit mo, may nasabi ka rin. Ouch! I deserve that for being a jerk.

Pero I’m glad na nakita ko rin kung paano ka magalit. At least for now alam ko na kung saan at paano ako lulugar.

Again, sorry! Peace na tayo.

Wag na init ulo, baby.

Dinggin mo, please, payong ito…

Inom tubig, nood ng TV…





Not myself

31 05 2010

Would you love me when I’m not myself?

Sa likod ng nabuo mong imahe kung sino ako, mamahalin mo pa rin ba ako kapag nakita mong iba ako?

Galing ako sa isang ubod na nakakapagod na biyahe papauwi at biglang may bumunggo sa akin, magbabago ba ang isip mo tungkol sa akin kapag bigla kong sinapak ang nakabunggo sa akin?

Minsan naiisip kong may sanib ako. Yung ilang pagkakataon sa buhay ko na hindi ko mawari kung ano ang nakain ko at nagawa ko ang ilang bagay na pinagsisisihan ko.

Gaya nung minsang may hinila akong babae sa loob ng taxi dahil nauna ako sa kanya at inagaw niya ang taxi na iyon. Hindi ako proud sa pangyayaring iyon, pero naunahan ng galit, pagod at init ng panahon ang judgement ko.

O kaya naman, kapag bigla akong nagagalit at hindi ka na kinikibo noong nag-order tayo sa Chowking at biglang naputol ang linya.

Kapag hindi na ako ang nakilala mo – iyung taong minahal mo dahil sa kabaitan, pagiging maunawain, tahimik – mamahalin mo pa rin ba ako?

Kapag nalaman mong hindi pala totoo ang mukhang pinakita ko sa’yo simula ng makilala mo ako, ititigil mo na rin bang mahalin ako?

Hindi ko masisigurado kung hanggang kalian ako ganito sa paningin mo. Pero kung magbago man ako sa paningin mo, magbabago rin ba ang pagmamahal na binigay mo sa akin?

Mamahalin mo pa rin ba ako?





With or Without You

27 04 2010

Hindi ko alam kung bakit mo ako kailangang papahirapan ng ganito. Sa kasalanang ginawa ko, ganun ba kabigat sa’yo na hanggang ngayon ay hindi mo makalimutan ang ginawa ko.

Oo na. Nagkamali na ako noon. Patawad na.

Hindi pa ba sapat ang makita mo akong ganito araw-araw?

Ano pa ba ang pwede kong gawin para lang makalimutan mo na iyong ginawa ko?

Siguro nga hindi mo ako ganoon kamahal ‘di gaya ng sinasabi mo. Ayon sa mga natutunan ko kasi, “Lahat ng taong marunong magmahal, marunong magpatawad.” At ang nagmamahal, hindi nagtatala ng pagkakamali.

Hanggang kalian mo ba gagawin sa akin ito?

Magsalita ka naman.

Please?