Kamalayang Malaya

14 06 2010

Sa wakas, ang isang taon sa isang tahanan ay natapos sa 6 na kahon. Ang ating pagsasama ay binuod sa 6 na kahon.

Iniwan ko ang mga bagay na hindi na natin kakailanganin pang muli… mga nakaraang nasaktan ka at nasaktan ako.

Hindi ako makapaniwalang malayo na rin ang ating narating.

Ngayon, nagsimula tayo sa anim na kahon, mga alaalang binitbit at gagawing pundasyon ng bagong yugto.

Hinanapan ng lugar sa bagong tahanan ang anim na kahon.

Dito ang mga damit, doon ang mga sapatos…

Konting punas, konting walis…

Urong doon, urong dito…

Buhat…

Inayos ang lahat para umayon sa atin. Lahat inayos para sa bagong simula.

Nawa’y umayon pati ang oras sa akin. Hayaan mong magsimula tayo muli. Itama ang nagawang pagkakamali, baguhin ang dating gawi.

Punuin ang tahanan ng pagmamahalan, gaya ng pagpuno natin ng mga gamit.

Pero kahit gaano kahirap, kapagod, natapos pa rin ang araw sa tabi mo.

Yakap ka.

Sa aking himbing, nakita ko ang mga araw na maaaring na nating gawin sa bagong tahanan. Gigising ako habang tulog ka pa. Hindi muna ako babangon dahil gusto ko munang pagmasdan ang paligid. Baka naman pinaglalaruan lang ako ng isip ko. Kapag humupa na ang mga takot at bumungad na ang kagalakang gumising nga ako sa tabi mo, babangon na ako para pagsilbihan ka. Maaaring magising ka habang pinaghahanda pa kita ng agahan, maaari ring gisingin pa kita sa aking halik para sabay tayong kumain ng agahan at pag-kwentuhan ang mga bagay na gagawin natin sa buong araw.

Kilala kita, matutulog kang muli pagkatapos mong kumain. Pagkatapos linisin ang mga pinagkainan. Uupo ka sa sala upang muling matulog, pero hindi naman ako makapapayag na hindi ka matulog sa aking kandungan.

Ayos na ako sa gano’n. Kahit buong araw ka pa matulog, ayos lang, basta sa aking kandungan ka matulog.

Sa muli mong pagtulog, ibubulong ko sa’yo ang mga salitang hindi ko sinasabi sa’yo. Gaya ng kung gaano kita talaga kamahal… na kung sana, ikaw na lang ang mamahalin ko habang ako’y nabubuhay.

Ikaw ang tahanan ko.

At araw-araw akong mananabik na umuwi sa iyong yakap at halik.

“Ang bahay ay hindi tahanan kung walang nagmamahalan”

Advertisements