Pangarap sa Bayan

17 07 2010

Tuwing umuuwi ako mula sa trabaho, pinipili kong bumaba sa may EDSA, sa may MRT station para baybayin pababa ang kalsada patungo sa building ng bahay namin. Pauwi, madadaanan ko ang isang palengke. Normal na eksena na sa palengke, lalo na sa umaga, ang ingay ng kalsada, dagsa ng mga taong namimili, mga kargador na may bitbit na kalakal, at ang tambak na basurang umaalingasaw sa baho. Sa tuwing nadadaanan ko ang tambak ng basura na ito, naiisip ko: “Lagi na lang ba ganito ang eksena dito? Wala man lang bang gagawa ng paraan para malinis ito at gagawan ng mas maaliwalas na imbakan ng basura?”

Paglakad ko pa ng kaunti, madadaanan ko naman ang isang hilera ng mga bahay na nasa gilid ng kalsada. May mga munting talyer, tindahan, talipapa at paradahan ng mga jeep. Dahil sa isa sa mga kahilera nito ay isang talipapa, nagkalat din ang mga basurang mas masangsang pa sa amoy ng tambak ng basura sa palengke. Ang kaibahan lang eh may mga bahay sa tabi nito. Sa tuwing nadadaan ako dito, naiisip ko: “Paano sila namumuhay sa tambak ng basurang ito? Paano nila nasisikmurang kumain sa amoy ng basura sa labas ng bahay nila? Paano sila nakakatulog sa ingay at gulo ng kalsada? Bakit hindi sila umaalis sa lugar na iyon? Ayaw ba nilang umalis o wala lang silang ibang pagpipilian?”

May nakapagsabi na sa akin dati, at malamang naisingit ko na sa isang nakaraang poste, na hindi totoong kulang ang trabaho sa Pilipinas. Ang totoo, sobra-sobra pa at may mga kumpanyang kulang pa sa trabahador. Ang siste ay ang mga tao ang underqualified. Naniniwala pa rin ako doon. Pero, sa eksenang nakikita ko araw-araw pag-uwi ko, hindi naman siguro tamad lahat ng Pilipino. May mga taong masipag naman, minamalas nga lang sa pagkakataon.

Sabi nila, disiplina ang kailangan ng bansa. Maaaring totoo nga. Mantakin mo nga namang simpleng pagtawid lang ng kalsada hindi pa magawa ng maayos. Sa tuwing pumapasok ako, inaabot ako ng mahigit 5 minuto sa isang 3-way intersection dahil sa gitgitan ng mga sasakyang nagsisingitan, mga taong tumatawid at mga jeep na pilit na nagsasakay sa intersection kung saan hindi pwedeng magsakay. Nadadaanan ko rin ang isang eskwelahan na makikita ko ang mga estudyante sa high school ay nakatambay at ayun may hithit na sigarilyo. Nasasabi ko na lang sa sarili ko, “Ayos! Samantalang ako nagsimulang magkaroon ng bisyo noong kumikita na ako ng sarili kong pera – at tinatago ko pa yun!”

Sa araw-araw na nakikita ko ang mga eksenang ito, nakakapanghinang isipin na baka wala nang bukas ang bansa natin – na kahit sino pa ang mailuklok sa pwesto, ganito at ganito pa rin ang kahihinatnan.

May pag-asa! Ito na yata ang pinaka-nagahasang linya ng mga pulitiko. Sa mga ilang pangakong hindi na natupad at kinalimutan na sa sandaling mapuno ang mga kaja de jiero nila ng salapi. Ito na rin ang linyang inabuso ng mga mamamayan sa pag-aakalang sa pagluklok nila sa napupusuang pulitiko, maaari na silang tumunganga sa harap ng TV habang ang mga anak nila ay nasa kalsada at nanlilimos ng panghahapunan nila sa pag-aakalang dadating na lang ang grasya sa kanila’t biglang kakatok sa pintuan nila.

Sa frustration ko sa kapapanood ng balita sa telebisyon, iniiwasan ko munang manood sa local channels, History tayo ngayon. Natiyempuhan ko ang isang palabas tungkol sa isang Greek mythology. Pinadala ni Zeus, ang Greek chief god, si Pandora para pakasalan si Ephemetheus. Binigyan siya ng isang kahon sa mahigpit na bilin na huwag itong bubuksan. Dahil sa kalahi siguro ni Pandora si Dora, naintriga siya sa laman ng kahon at sinilip ang loob nito. Sa pagangat niya ng takip ng kahon, sumambulat ang lahat ng kasamaan sa mundo. Sumanib siguro sa mga ninuno ng mga pulitikong corrupt, mayayabang, tamad, at mamamatay-tao. Pero matapos lumabas ang lahat ng kasamaan mula sa kahon, ang tanging natira sa loob ay “Pag-asa”.

Hindi ako dapat mawalan ng pag-asa. Hindi TAYO dapat mawalan ng pag-asa. Mabugbog man ito sa haba ng araw at mamatay sa ating pagtulog, muli itong babangon sa ating pag-gising.

Ito ang pangarap ko sa bayan, ang manatiling buhay ay ang pag-asa sa bawat isa – na sa bawat pag-hihirap natin ay may matitira pa ring pag-asa.

Ang posteng ito ay lahok sa LLM

Advertisements